Iginiit ni Sen. Raffy Tulfo na napapanahon na ang pagsasabatas ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ito ay sa gitna ng mga nararanasang karahasan ng mga Filipino seafarer tulad ng apat na marinong lulan ng Portuguese vessel na hinarang ng Iranian forces.
Binigyang-diin ng senador na alinsunod sa panukala, pagkakalooban ng dagdag na proteksyon ang mga marinong Pinoy.
Kabilang na rito ang karapatan sa ligtas na paglalayag sa mga high-risk areas, agarang tulong sa panahon ng trahedya dulot ng terorismo at karapatan ng kanilang pamilya na mabigyan ng wasto at napapanahong impormasyon tungkol sa kanilang estado, lalo na kapag sila’y nalalagay sa alanganing sitwasyon.
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan si Tulfo sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers para matiyak na makakauwi ng ligtas sa bansa ang apat na Pilipinong tripulante na lulan ng barkong MSC Aries na hinarang ng Iranian forces noong April 13.
Sa gitna ito ng kumpirmasyon ng DFA na tiniyak ng Iranian Ambassador to the Philippines na tuluyan nang makakalaya at makakabalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon ang apat na marino na naipit sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.