dzme1530.ph

Magandang suplay ng tubig sa Angat Dam, posibleng napalawig ng hanggang pitong araw dahil sa bagyong Egay

Posibleng nakapagdagdag ng lima hanggang pitong araw na magandang suplay ng tubig sa Angat Dam, ang matinding pag-ulang dinala ng super typhoon Egay.

Ito ay batay sa monitoring ng Water Resources Management Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni DENR Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga na ngayong araw ay tatanggap siya ng report kung nakamit ba ang ninanais na lebel ng tubig sa Angat Dam.

Sa pamamagitan nito ay matitiyak ang magandang suplay ng tubig sa Metro Manila at Bulacan.

Samantala, nakikipagtulungan na rin ang DENR sa Department of Public Works and Highways para maging multi-purpose na ang mga mekanismo sa flood control, kung saan magagamit na rin ito sa water impounding o pag-iimbak ng tubig.

Sinabi ni Loyzaga na may nakahanda namang pondo ang gobyerno para sa Multi-Purpose Flood-Control Projects, at mayroon ding mga nagpahiwatig ng interes sa public-private partnership. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author