dzme1530.ph

Mag-asawang amo ng minaltratong kasambahay, itinanggi ang mga akusasyon laban sa kanila  

Matapos ma-isyuhan ng subpoena ng Senate Committee on Justice and Human Rights, humarap na sa pagdinig ng Senado ang mag-asawang amo ng minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara.  

Sa kanyang pagharap sa kumite, itinanggi ni France Garcia Ruiz na sinaktan niya si Vergara at iginiit na ang pinsalang nakuha ng kasambahay ay bunsod ng pakikipag-away nito sa kanyang mga kasama.  

Present din sa pagdinig ang asawa ni France na si Pablo subalit hindi dumalo ang kanilang anak na sinasabi ring nanakit kay Vergara kaya isinulong ni Senador Jinggoy Estrada ang pag-iisyu ng warrant of arrest laban dito.  

Iginiit din ni France na 2019 at hindi 2017 nagsimulang magtrabaho sa kanya si Vergara na nang mga sandaling iyon ay mayroon na rin siyang puti-puti sa gilid ng mata.  

Idinagdag pa ni France na hindi siya kundi ang isa niyang boy na si ‘JM’ ang nakapinsala sa mata ni Vergara dahil pinasok niya ito sa kanyang kwarto. Itinanggi rin ni France ang pahayag ni Vergara na paulit-ulit niya itong iniuntog sa lababo at sinusuntok gayundin ang sumbong ng kasambahay na ipinasabit din siya ng kanyang amo sa sabitan ng karne.  

Pinabulaanan din ni France ang sumbong ni Vergara na hindi niya pinasweldo ang kasambahay at iginiit na pinapasweldo niya ng P5,000 kada buwan ang kasambahay subalit kinakaltas dito ang mga nabasag na gamit tulad ng telebisyon, plato at iba pa.  

Inamin naman ni France na nang umalis na sa kanyang poder si Vergara ay ipinahabol niya ang pitaka ng kasambahay na may lamang P20,000 subalit tinanggihan ito ng biktima.  

Itinanggi rin ng asawa ni France na si Pablo ang reklamo ni Vergara na sinasaktan niya ang kasambahay tuwing siya ay lasing sa paggiit na hindi siya madalas uminom ng alak.  

Sa gitna nito, binalaan ni Estrada ang mag-asawa na sa sandaling mapatunayang nagsisinungaling ay handa siyang gawin ang lahat upang makulong ang mga ito katulad anya ng sinapit ng mag-asawang amo ng kasambahay na si Bonita Baran na plinantsa ang mukha. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author