dzme1530.ph

Mabilis na pagpapauwi sa mga Indonesian na nahuli sa POGO ops, hakbang patungo sa ganap na pagsawata sa iligal na mga aktibidad

Loading

Ikinatuwa ni Sen. Sherwin Gatchalian ang agarang aksyon sa pagpapauwi ng 29 Indonesian na nailigtas mula sa mga nakaraang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, bawat repatriation at deportation ng mga dayuhang sangkot sa POGO ay isang hakbang patungo sa ganap na pagpuksa ng mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan dito at pagpapalakas ng batas sa bansa.

Sinabi ng senador na pinapalakas ng bawat repatriation ang ating laban kontra POGO-related crimes kasabay ng pahayag na ang pagbawi ng bansa mula sa mga ilegal na aktibidad na ito ay hindi lang usapin ng batas kundi isang moral na responsibilidad upang tiyakin ang seguridad ng mamamayan.

Hinimok din ng senador ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na palakasin pa ang kanilang mga operasyon laban sa mga patuloy na lumalabag sa ipinatupad na pagbabawal sa POGO at sa scam operations na nauugnay rito.

Muli niyang binigyang-diin na dapat tuloy-tuloy na ang pagpapauwi sa mga foreign nationals na, kung hindi na-rescue, ay nagpapatakbo ng mga pang-i-scam.

Kailangan aniya silang ibalik sa kanilang mga bansa upang tuluyan nang matigil ang kriminalidad sa ating bayan na may kaugnayan sa POGO.

Muling iginiit ng senador ang kanyang panawagan na ganap nang ipatupad ang pagbabawal sa POGOs sa Pilipinas, kasabay ng mas pinaigting na aksyon laban sa mga natitirang iligal na operasyon upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng bansa.

About The Author