Kakulangan ng protina ang isa sa dahilan kung kaya’t maraming bata ang malnourished at may mababang marka sa eskwelahan, ayon kay Senador Cynthia Villar.
Tinukoy nito ang pag-aaral ng Organization for Economic Cooperation and Development Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan lumitaw na mababa ang nakukuhang test scores ng mga estudyanteng nagmula sa mga bansang may mataas na presyo ng manok at baboy kabilang na ang Pilipinas.
Iniuugnay ng senadora sa mataas na presyo ng karne ang mababang score ng ilang estudyante sa mga pagsusulit.
Aniya ang baboy at manok ay mahalaga sa kailangang sustansiya ng mga mag-aaral.
Dahil dito, isinusulong ni Villar ang panukalang bubuo ng livestock, poultry, at dairy competitiveness enhancement fund upang palakasin ang produksyon at bumaba ang presyo sa merkado.