Para kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, nagbubunga na ang maayos at tapat na pamamahala at polisiya ni PBBM.
Sinabi ito ni Romualdez matapos isapubliko ng PSA ang June inflation rate sa 5.4%.
Ayon sa presidential cousin, ang ipinakitang political will ng Pangulo para sawatain ang nagmamanipula sa presyo ng bilihin at sound economic policies, ang mga kadahilanan kung bakit 5.4% na lang ang inflation mula sa dating 8.7% sa pagsisimula ng 2023.
Aniya, ang 5.4% headline inflation nitong Hunyo ang pinakamababa na sa loob ng 13-buwan.
Itinuon din umano ng Pangulo ang 2023 National Budget sa mithiin nitong mapalakas ang purchasing power ng mga Pilipino na sa unang anim na buwan ng taon ay umipekto naman.
Naniniwala rin ito na nakatulong ang binuong Executive Order No. 28 noong Mayo na lumikha sa Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook para isa ang mga hakbangin ng ilang ahensya tungo sa pagpapababa sa presyo ng bilihin. —sa ulat ni Ed Sarto, DZME News