Aminado si Senador Sherwin Gatchalian na nakababahala ang mababang cohort survival rate o ang bilang ng mga enrollees na nagtatapos ng kanilang pag-aaral sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kaya naman iginiit ni Gatchalian na dapat magpatupad ng pinaigting na back-to-school campaign.
Sa datos ng Department of Education (DepEd) lumilitaw na 17 lamang sa bawat 100 na mag-aaral na pumasok sa Grade 1 noong School Year (2010-2011) ang nakatapos ng Grade 12 pagdating ng SY 2021-2022.
Nababahala rin si Gatchalian dahil halos kalahating milyong kabataan sa BARMM ang wala sa paaralan bagama’t umabot sa 991,243 ang enrollment sa rehiyon.
Batay sa datos ng DepEd at ng Philippine Statistics Authority (PSA) 463,963 na kabataan sa rehiyon ang hindi nag-aaral.
Lumalabas din sa datos ng DepEd na 28,832 out-of-school youth lamang ang naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS).
Lumitaw sa 2019 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey ng PSA, na ang pangunahing dahilan ng hindi pagpasok ng mga nasa edad 6-20 ang kawalan ng personal na interes at kawalan ng sapat na kita para sa pag-aaral ng mga bata
Iginiit ni Gatchalian na dapat mapuntahan ang bawat tahanan at tiyaking hindi mapagkakaitan ng edukasyon ang mga kabataan sa BARMM.
Sa pagpapatupad ng back-to-school campaign, binigyang diin ni Gatchalian na kailangang makipagtulungan sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng BARMM.
Isinusulong din ni Gatchalian ang pagpapatupad ng mga programang magpapanatili sa mga mag-aaral sa paaralan tulad ng school feeding program. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News