Pinanindigan ng Commission on Election (COMELEC) ang desisyon na gawin ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), tatlong buwan bago ang halalan sa October 30.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na bagaman nirerespeto nila ang pagtutol ni Parañaque City Rep. Gustavo Tambunting, napagpasyahan ng poll body na agahan ang paghahain ng COC sa Hulyo.
Paliwanag ni Garcia, ito ay upang mabigyan ang COMELEC ng sapat na panahon upang maresolba ang disqualification at nuisance candidate cases.
Idinagdag ng poll chief na kung susunod sa nakasanayang 10 araw para sa paghahain ng COC na susundan ng 10 araw na kampanya, hindi mareresolba ang mga kaso bago ang halalan.
Aniya, kung isang nuisance candidate ang mailuluklok sa puwesto, lilikha lamang ito ng problema sa COMELEC kalaunan.