Aminado si Senate Minority Leader Koko Pimentel na nababahala na siya sa lumolobong utang ng bansa.
Subalit sa kabila aniya nito ay hindi nakikitaan ng pag-aalala ang economic managers at naggiit na kayang-kayang bayaran ng bansa ang utang na umaabot na sa ₱15.18 Trillion.
Binigyang-diin ni Pimentel na ang nangyayari kada taon ay sobra-sobra ang inilalaang pondo para sa gastusin kumpara sa inaasahang papasok na kita.
Ipinaliwanag ng senador na may posibilidad na dahil sa laki ng utang ay posibleng lumaki na nang lumaki ang bahagi ng kita ng gobyerno na ilalaan sa pagbabayad nito sa halip na maitulong sa tao.
Sinabi ni Pimentel na kailangan nang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang ating lumolobong utang upang hindi naman mapunta lamang sa pagbabayad ang malaking bahagi ng kita ng gobyerno.
Dapat din anyang mapag-aralan ang mga proyekto na ipinatutupad ng gobyerno upang matiyak na de kalidad ang mga ito at hindi taun-taon ay inuulit ang kahalintulad na proyekto. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News