Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang mga lisensya ng anim na sports car drivers na nahuli sa isang viral video habang nagkakarerahan sa kahabaan ng pampublikong kalsada sa Tagaytay City.
Sa statement, inihayag ni Transportation Secretary Vince Dizon na suspendido ng siyamnapung araw ang mga driver’s licenses ng anim na indibidwal.
Binigyang-diin ni Dizon na hindi kukunsintihin ng Department of Transportation at LTO ang iresponsableng pagmamaneho sa kalsada na maglalagay sa panganib sa mga inosenteng road users, kabilang ang mga commuter at pedestrian.
Ayon kay LTO acting chief, Atty. Greg Pua, naglabas ang ahensya ng show cause orders laban sa registered owners ng anim na sports car, na kinabibilangan ng dalawang Mazda MX-5, Ford Mustang, Nissan Z, Chevrolet Camaro, at BMW M4.