Nilinaw ni Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade na mahigpit na pinagbabawal ng ahensya na magbaklas ng plaka ang mga law enforcer at deputized agent.
Binigyang diin ito ni Tugade sa gitna ng mga reklamo ng publiko hinggil sa isyung pagbabaklas ng plaka ng mga sasakyang nasasangkot sa paglabag sa batas-trapiko.
Tinukoy ni Tugade ang umiiral na Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01 na nagsasaad na ang lisensya sa pagmamaneho, student permit, o ang sasakyan ay maaari lamang isailalim sa alarma kung hindi agad maipapataw o mababayaran ang kaukulang multa sa hinuling drayber o sasakyan.
Nakasaad din dito na ang lahat ng LTO enforcers at deputized agents ay hindi dapat baklasin ang mga plaka ng mga nahuhuling sasakyan na lumabag sa batas-trapiko.
Gayunmna tiniyak ni Tugade sa publiko na ang LTO central command center ay maagap na makapaghahatid ng impormasyon sa mga tauhan nito sa lansangan.