![]()
Tahasang sinabi ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, chairman ng Ways and Means Panel sa lead briefing na kapag ang presyo ng petrolyo ang tumaas, apektado na nito ang buong ekonomiya.
Sa harap ng mga kalihim ng iba’t ibang kagawaran, sinabi nito na hindi sapat ang panaka-nakang solusyon na ibinibigay ngayon dahil ang kailangan ay komprehensibo, malawakan at pangmatagalang tugon.
Aniya, sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas, sa bawat $10 increase sa presyo ng Dubai crude oil gamit ang $80 benchmark, ang inflation ay tumataas ng 0.4%.
Asahan pa ayon kay Quimbo ang patuloy na pagsipa ng inflation na sa March record ay pumalo sa 4.1%.
Sa reyalidad, kapag tumataas ang petrolyo, tumataas ang pamasahe, delivery costs, presyo ng pagkain na sa huli ay laging ang mahihirap o ordinaryong Pilipino ang napipilay.
Ang mga kontekstong ito ang dahilan kung bakit si Speaker Faustino Bojie Dy III at ang buong Kamara ay pinagsama-sama ang 13 komite para sa LEAD joint committee.
Dalawa aniya ang mahalagang layunin ng LEAD joint committee, una, magbigay ng agarang tulong, at ikalawa, bumuo ng pangmatagalang solusyon upang hindi na maulit ang ganitong krisis.
