![]()
Para sa grupo ng Young Guns ng Kamara, isa umanong turning point sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa government institutions ang livestreaming ng budget bicameral conference committee (bicam).
Pinuri nina Deputy Speakers Paolo Ortega V, Jay Khonghun, at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagsuporta sa ideya na ipalabas nang live sa publiko ang pagtalakay sa 2026 national budget bicam.
Ayon sa grupo, isang game-changer ang direktibang ito ng Pangulo dahil hindi lang ito usapin ng pagtalakay sa pambansang pondo, kundi paraan upang hikayatin ang mga mamamayan na makiisa, magbantay, at makita kung paano inilalaan ang pera ng bayan.
Matatandaan na si dating House Speaker Martin Romualdez ang nagpasimuno sa livestreaming ng deliberasyon ng panukalang ₱6.793-trillion national budget para sa 2026.
Bukod sa livestreaming, isinulong din ni Romualdez ang partisipasyon ng Civil Society Organizations bilang mga budget watchdogs upang higit na mapalakas ang transparency at accountability sa proseso ng pagbuo ng budget.
Kabilang din sa mga repormang ipinatupad ang pagbuwag sa small committee na pinalitan ng Budget Authorization and Review Sub-Committee (BARSc).
Tiwala ang Young Guns na mas malinaw na ngayon sa taumbayan kung saan napupunta ang buwis na kanilang ibinabayad at kung paano ito ibinabalik sa pamamagitan ng mga proyekto at serbisyong pampubliko.
