Sinegundahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-livestream ang kaganapan sa bicameral conference committee meeting sa proposed 2026 national budget.
Sinabi ni Sotto na ang hakbang na ito ay napagkasunduan nila ng Pangulo sa layuning isulong ang transparency sa pagbalangkas ng pambansang pondo.
Samantala, inanunsyo naman ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na uploaded na sa website ng Kamara ang inaprubahang General Appropriations Bill (GAB), kasama na ang mga annexes.
Ito ay pagtugon sa ipinasa nilang Concurrent Resolution No. 4 na nagsusulong ng transparency sa proseso ng budget.
Sinabi pa ni Gatchalian na naisumite na rin ng Kamara sa Senado ang digital copy ng GAB at posibleng ngayong araw ay ipamamahagi na ito sa mga senador.
Iginiit pa ng senador na ito ang unang pagkakataon na in-upload ang GAB at isinumite sa digital format dahil dati ay isang kopya lang ng apat na volume ng GAB ang ipinapasa sa kanila.