Pinakakansela ni Sen. Risa Hontiveros ang lisensya ni Pastor Apollo Quiboloy upang makapag-may-ari ng baril makaraan itong ituring na bilang pugante.
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan sa Philippine National Police matapos na lumabas ang mga larawan at video ng sinasabing private army ni Quiboloy na nakitang nagsasanay bitbit ang mga baril.
Iginiit ng mambabatas na armado at mapanganib si Quiboloy lalo’t buhay na buhay ang mga armadong sundalo niya na handang magpakamatay para sa kanya.
Mahalaga anyang makumpiska ng PNP sa lalong madaling panahon ang kanilang mga armas.
Lantad na anya sa lahat sa social media na may private army si Quiboloy pero nagtataka siiyang tila nagbubulag-bulagan pa ang PNP.
Idinagdag pa ng senadora na hindi dapat mag-alangan ang PNP na bawiin ang mga armas ni Quiboloy dahil isa na itong pugante.
Una nang sinabi ng PNP na nasa 19 ang rehistradong baril si Quiboloy pero hindi maituturing na mapanganib dahil wala namang record ng karahasan at walang record na mayroon itong private armed groups
Kasabay nito nanawagan ang senador sa bagong PNP chief na si Police Gen Rommel Marbil na doblehin pa ang pagkilos kasabay ng babala na maituturing na failure of intelligence kung matatagalan bago nila matukoy ang kinaroronan ni Quiboloy.