![]()
Tuluyan nang ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang limang puganteng Japanese national pabalik sa kanilang bansa sa Tokyo Japan.
Ayon kay BI Warden Facility Chief Felix Velasco, ang mga deportees na sina Iwamoto Miyako, 34; Osawa Ayumi, 33; Norichika Harada, 48; Nobuyuki Arima, 45; at Yuya Yano, 34, ay isinakay sa Japan Airlines Flight patungong Tokyo kaninang umaga mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ang mga naturang pugante ay dating inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa operasyon sa Bulacan at Quezon dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa fraud at theft activities sa Japan.
Kinilala ng mga awtoridad ang ilan sa kanila bilang mga miyembro ng isang breakaway faction na kilalang “JP Dragon” syndicate, na nakikibahagi sa malakihang operasyon ng scam na target ang mga biktima, kabilang ang mga matatanda.
Ang mga awtoridad ng Japan ay naglabas ng warrant para sa kanilang pag-aresto dahil sa mga kinasasangkutang krimen ng pandaraya at pagnanakaw, kabilang ang mga pakana kung saan ang mga biktima ay nalinlang sa pagsuko ng impormasyon sa bangko at mga pondo.
Kinumpirma rin ng BI na ang mga pugante ay nagsasagawa ng mga kahina-hinalang aktibidad sa Pilipinas, kabilang ang pagpapatakbo ng mga online workstation na nauugnay sa mga operasyon ng scam.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ibinalik sila sa kanilang bansa para doon harapin ang hustisya at itoy magsisilbing babala sa mga puganteng dayuhan na ginagamit ang Pilipinas bilang kanlungan ng mga criminal syndicate.
