![]()
Suportado ni Sen. Erwin Tulfo ang rekomendasyon ni Land Transportation Office (LTO) Chief Atty. Markus Lacanilao na kumpiskahin o bawiin na habambuhay ang driver’s license ng mga road rage drivers.
Ito ay matapos ang magkasunod na road rage incidents sa Tarlac City, Tarlac, at Biñan, Laguna kamakailan lang.
Sinabi ni Tulfo na tama lamang na hindi na payagang magmaneho pang muli ang mga driver na nagwawala sa lansangan, lalo na kapag nakapanakit ito o nakasira ng mga bagay.
Kapag hindi anya binawi ang driving privileges ng isang road rage driver, uulitin at uulitin nito ang pagwawala sa lansangan lalo na kung armado pa ito o may katungkulan.
Ipinaalala ng senador na ang pagmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi karapatan tulad ng pananaw ng ilan kaya ito inaabuso.
May panukalang batas na rin na inihain si Tulfo na magpaparusa sa mga road rage drivers ng pagkakakulong at pagbawi ng lisensya.
