Panahon nang magsagawa ng lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno at dapat isama ang kanilang mga asawa.
Ito ang inihayag ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III makaraang suportahan ang atas ni Pangulong Bongbong Marcos na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng imbestigasyon sa mga flood control projects.
Sinabi ni Sotto na isa itong magandang hakbang upang masuri kung sino-sino ang mga opisyal na sumusobra na ang lifestyle kumpara sa kanilang tinatanggap na sahod.
Sa panig ni Sen. Sherwin Gatchalian, sa pamamagitan ng lifestyle check, makikita kung sino ang mga tiwaling opisyal.
Mahalaga, anyang, maimbestigahan kung ang sahod ng mga opisyal ng gobyerno ay katumbas o tumutugma sa kanilang mga ari-arian.
Iginiit naman ni Senador JV Ejercito na dapat may sinusunod na etiquette ang mga opisyal ng gobyerno at hindi dapat maging magarbo.