Good News para sa mga “Marino”
Inanunsyo ng Maritime Industry Authority (MARINA) na magkakaroon ng libreng sakay para sa mga marino sa LRT-2 at MRT 3 sa darating na Miyerkules, Hunyo 25, 2025 bilang pagdiriwang ng Day of the Filipino Seafarers.
Ang oras ng pagpapatupad simula sa 7:00 AM hanggang 9:00 AM at 5:00 PM hanggang 7:00 PM para sa LRT-2, at 5:30 AM naman sa MRT-3 hanggang matapos ang operasyon.
Para makakuha ng libreng sakay, magpakita lamang ng valid na Seafarer’s Record Book (SRB), Seafarer’s Identity Document (SID), o Seafarer’s Identification Booklet (SIB) bilang patunay.
Samantala, Inaanyayahan naman ang lahat na makiisa sa espesyal na seremonya gagawin at ang pagtataas ng watawat para sa paggunita ng Day of the Filipino Seafarer.
Gaganapin ang nasabing aktibidad sa ganap na 7:00 ng umaga sa Independence Flagpole, Luneta, Maynila. Kasabay nito, magsisimula rin ang aktibidad sa ganap na 7:45 ng umaga sa Provincial Capitol, Tagbilaran City, Bohol.
Ang Day of the Filipino Seafarer ay ipinagdiriwang taun-taon upang parangalan ang mga Pilipinong marino at ang kanilang mahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas at sa pandaigdigang sektor ng pagpapadala.
Ang pagdiriwang ay nagsisilbi ring paraan upang itaas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng mga marino at sa mga hamon na kanilang kinakaharap sa trabaho, gaya ng matagal na pagkakahiwalay sa pamilya at mga panganib na kinahaharap sa dagat.
Isang mahalagang layunin din ang pagsusulong ng kaligtasan sa dagat at ang pagpapabuti ng mga kondisyon sa pagtatrabaho ng mga marino.
Bukod dito, ang pagdiriwang ay nagbibigay ng pagkakataon upang itaguyod ang mga karapatan ng mga marino at matiyak na sila ay maayos na binabayaran.