dzme1530.ph

Libreng sakay sa dalawang araw na transport strike, tiniyak ng LTFRB

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapatupad ito ng libreng sakay para tulungan ang mga commuter na maaapektuhan ng dalawang araw na transport strike sa April 15 at 16.

Ginawa ng LTFRB ang pagtiyak matapos ianunsyo ng mga grupong PISTON at Manibela ang ikinasa nilang nationwide transport strike sa susunod na linggo, sa harap ng nalalapit na April 30 deadline para sa consolidation na bahagi ng PUV modernization program ng gobyerno.

Sa press briefing, sinabi ni Manibela president Mar Valbuena, na inaasahan nila ang paglahok sa tigil-pasada ng nasa 30,000 jeepney drivers sa Metro Manila at 100,000 iba pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa kabila naman ng nakaambang strike, binigyang diin ng LTFRB na dapat matapos na sa April 30 ang PUV consolidation, alinsunod na utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

About The Author