Lusot na sa Senado ang panukalang magmamandato na gawing libre ang funeral services sa mahihirap na pamilya upang matulungan sila sa panahon ng krisis.
Sa botong 22-0, inaprubahan sa third and final reading ang Senate Bill No. 2965 o ang Free Funeral Services Act na inisponsoran ni Sen. Imee R. Marcos.
Nakasaad sa panukala na maaaring mag-avail ng libreng funeral service ang mga pamilya na ang kita ay mababa sa poverty threshold na itinatakda ng National Economic and Development Authority o Department of Economy, Planning, and Development.
Alinsunod sa panukala, saklaw nito ang indigent families, o ang mga apektado ng calamities, disasters, o iba pang emergency circumstances.
Kasama naman sa ipagkakaloob na “Indigent Funeral Package” ang preparasyon sa funeral documents, pag-eembalsamo, libing, transportastyon, cremation, at inurnment services, kasama ang kabaong, urn o pagbuburulan.
Kasama naman sa mga requirement na kailangan sa pag-avail ng indigent funeral package ang valid identification card ng claimant o beneficiary; death certificate; funeral contract at social case study.