Kinumpirma ni Senador Risa Hontiveros na bukas ang LGBTQIA+ community sa mga pag-amyenda sa ilang probisyon ng SOGIE equality bill upang makapasa na ito sa Kongreso.
Katunayan anya nasa 12 amendments na ang kanilang inilatag at ihaharap sa plenaryo ng Senado upang mas maging katanggap-tanggap sa lahat ang panukala.
Dahil dito, umapela si Hontiveros sa Senate Committee on Rules na maibalik na sa kanyang kumite ang SOGIE bill.
Matatandaang inirefer sa committee on rules ang SOGIE bill kahit pa nakapaglabas na ng committee report si Hontiveros tungkol sa panukala dahil sa oposisyon ng ilang grupo na hindi umano nabigyan ng pagkakataong magsalita sa committee hearing.
Ayon kay Hontiveros, sa sandaling na maibalik sa kanyang kumite ang SOGIE bill ay agad silang magsasagawa ng isa pang pagdinig at maglalabas ng amended committee report.
Kabilang sa mga amendments ay may kinalaman sa academic freedom, parental authority, at marriage license.
Lagi naman aniyang bukas ang LGBTQIA+ community sa mga pagbabago sa SOGIE bill sa kondisyong consistent pa rin ito sa puso at kaluluwa ng panukala. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News