dzme1530.ph

Legislated Wage Hike Bill, tiniyak na ipapasa ng Senado bago matapos ang taon

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maipapasa nila ang Legislated Wage Hike Bill para sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ipinaliwanag ng senate leader na patuloy ang pagtaas ng cost of living sa buong Pilipinas kaya’t kailangang i-adjust ang sweldo ng mga manggagawa para magkaroon ng disenteng pamumuhay.

Ipinaalala ni Zubiri na ang nakaraang wage adjustement ay para lamang sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Kailangan rin anya ng dagdag na sahod ng mga manggagawa sa ibang bahagi ng Pilipinas dahil hindi naman naiiba ang presyo ng mga bilihin doon kumpara sa NCR.

Binigyang-diin ni Zubiri na bagamat hindi ito prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay maninindigan ang mataas na kapulungan para sa panukalang ito.

Sa sandali anyang maipasa na nila sa Senado ang panukalang legislated wage hike ay aapela siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ito ay suportahan upang magkaroon din ng counterpart bill ang Kamara.

Sa ganitong senaryo, umaasa si Zubiri na maisasakatuparan na ang pagpapataas ng sweldo ng lahat ng mga manggagawa sa buong bansa sa susunod na taon at maganda aniya itong Christmas gift para sa mga Pilipino para sa 2024.  –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author