Kahit hindi kasama sa priority bills para sa 2nd regular session ng 19th Congress, tiniyak ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri ang dedikasyon ng buong Senado para sa pagsusulong ng dagdag na sahod sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ayon kay Zubiri, tiwala siyang makikinig ang mga mambabatas sa hiling ng publiko para sa dagdag na sahod batay sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Sinabi ni Zubiri na bubuo ng stand ang Senado para sa isinusulong na legislated wage hike kahit tutol dito ang economic team.
Sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa mula June 19 hanggang 23, lumitaw na kasunod sa inflation, ang dagdag na sweldo ang pumapangalawang concern ngayon ng publiko.
Batay sa survey, 38% ng mamamayan ang nagsasabing umaabot na sa P15,001 o higit pa ang kanilang gastusin sa renta sa bahay, pagkain, kuryente, tubig, komunikasyon, transportasyon at iba pang pangunahing gastusin kada buwan.
Nasa 17% naman ang nagsabing nasa P14,001 hanggang P15,000 ang kanilang gastusin kada buwan at 13% ang nagsabing mas mababa pa sa P8,000 ang kanilang kailangan.
Lumitaw din sa survey na 97% ng mga Pilipino ang pabor na dagdagan ng P150 ng minimum wage sa buong bansa.
Kinumpirma rin ni Zubiri na may mga makausap siyang ilang negosyante na pabor sa wage increase dahil maging sila ay nakararanas na ng brain drain sa skilled workers. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News