Hindi pa nakikitang magdudulot ng water interruptions sa mga residente ang kasalukuyang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Division Manager Engr. Patrick Dizon na ang water interruption activities ay bunga lamang ng maintenance activities ng mga planta, na kina-kailangan ng water concessionaires upang mapabuti pa ang kanilang serbisyo.
Sinisikap ding isagawa ang mga pagkukumpuni sa gabi upang hindi ito gaanong maka-apekto sa mga customer.
Bukod dito, sinabi ni Dizon na pinaghandaan ang epekto ng El Niño sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bagong plantang mapagkukunan ng tubig bukod sa Angat Dam.
Kabilang dito ang pinasinayaang dalawang water treatment plants sa Muntinlupa City na kumukuha ng tubig sa Laguna de Bay, at isa sa Pakil Laguna na kayang mag-suplay ng kabuuang 220 million na litro ng tubig kada araw.