Nilinaw ng Malakanyang na ang nakatakdang pagle-leave sa trabaho ni Tourism Sec. Christina Frasco ay walang kaugnayan sa kontrobersiya sa inilunsad na “Love the Philippines” tourism slogan.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil na nag-apply si Frasco ng leave of absence noong May 9, 2023, at inaprubahan ito noong May 23.
Ito ay mas maaga ng mahigit isang buwan sa paglulunsad ng Love the Philippines campaign noong June 27.
Sinabi ni Garafil na magkakaroon ng maikling leave si Frasco mula bukas July 13 hanggang July 21, at gagamitin niya ito para makasama ang kanyang pamilya.
Idinagdag pa ng PCO Chief na dadalo si Frasco sa ikalawang SONA ng Pangulo sa July 24, at ang anumang ispekulasyon sa kanyang leave ay wala umanong katotohanan.
Matatandaang nabatikos ang Love the Philippines campaign matapos matuklasan ang paggamit ng advertising agency na DDB Philippines ng mga kuha ng litrato mula sa mga tanawin sa ibang bansa. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News