![]()
Mas maraming pasahero ng public land transport ang bumiyahe ngayong Mahal na Araw kumpara noong nakaraang taon, sa kabila ng pagsirit ng presyo ng petrolyo bunsod ng krisis sa Middle East.
Sinabi ni Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor na hindi pa naaapektuhan ang transportasyon para sa land sector pagdating sa volume ng mga pasahero.
Tinukoy niya ang matatag na pigura sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) simula noong Linggo ng Palaspas, na simula ng Semana Santa, at ang pagtaas ng mga bilang sa mga susunod na araw.
Inihayag ni Pastor na noong Linggo ay umabot sa 178,000 ang mga pasahero sa PITX, mas mataas ng 13,000 kumpara sa 165,000 noong nakaraang taon.
Ayon sa Department of Transportation, posibleng dahil ito sa advance bookings, kung saan maraming pasahero ang nag-secure ng kanilang biyahe pauwi sa kanilang mga lalawigan bago ang peak travel period sa Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
