Hinarang ng Bureau of Immigration ang isang lalaking pasahero na tangkang umalis ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos matuklasang may aktibong warrant of arrest.
Ayon sa PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), papasakay na sana ng eroplano ang nasabing pasahero nang makita ng immigration officer sa kanilang system ang kaso ng qualified theft na kinakaharap nito.
Agad na nakipag-ugnayan ang immigration sa PNP Avsegroup at Quezon City Police District (QCPD), na nagresulta sa matagumpay na pag-aresto sa suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng District Intelligence Division ng QCPD ang naarestong pasahero para sa tamang disposisyon.
Samantala, naglabas ng piyansang ₱54,000.00 ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.