Inaresto ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group ang isang lalaking pasaherong may outstanding warrant of arrest na tangkang umalis ng bansa patungong Hong Kong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sa initial report ng AVSEGROUP ang 37-anyos na pasaherong hindi na pinangalanan ay inaresto base sa arrest warrant na inisyu ng Taguig City Regional Trial Court Branch 69 para sa paglabag sa Republic Act 9262, na kilala rin bilang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Nasa kustodiya na ng Pasay City Police Station Sub-station 9 sa Villamor ang nasabing pasahero para sa karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon.
Pinuri naman ni PNP AVSEGROUP Dir. PBGen. Christopher N. Abrahano ang sama-samang pagsisikap na mga pulis na humantong sa pagharang at pag-aresto sa nasabing akusado.
Samantala ₱24,000.00 ang piyansang inirekomenda ng Korte para sa pansamantalang kalayaan ng naarestong pasahero.