Posibleng makamatay ang lakas ng water pressure na ginamit ng China Coast Guard (CCG) laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea, na makikita sa bumaluktot na railing ng barko ng PCG kung gaano ka-delikado ang lakas ng pressure na ginamit ng CCG.
Noong Martes ay binomba ng tubig ng China Coast Guard ang BRP Bagacay ng PCG at BRP Bankaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang patungo sa Scarborough Shoal para sa supply mission.
Nasira ang canopy at bakal na railing ng BRP Bagacay nang pagtulungang i-water cannon ng dalawang mas malalaking CCG vessels habang nagtamo rin ng pinsala ang Datu Bankaw.