dzme1530.ph

Laguna lake tragedy at iba pang nakalipas na aberya sa karagatan, bubusisiin ng Senado

Handa si Senate Committee on Public Services chairperson Grace Poe na ikasa ang imbestigasyon sa paglubog ng passenger boat sa Laguna Lake na sakop ng Binangonan, Rizal gayundin ang mga nakalipas pang trahedya sa dagat.

Kasabay nito, hinimok ni Poe ang Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang Maritime Industry Authority (MARINA) na huwag lamang tanggalin sa pwesto ang mga matutukoy na nagpabaya kaya nangyari ang insidente, bagkus kasuhan ang mga ito upang papanagutin sa kanilang kasalanan.

Aminado si Poe na nakagagalit ang sitwasyon dahil maraming buhay ang nawala dahil sa kapabayaan ng iilan kaya’t dapat managot ang dapat na managot.

Iginiit ni Poe na kailangang matukoy sa imbestigasyon kung bakit pinayagan ng PCG na pumalaot ang bangka gayung malakas pa ang hangin at ulan ng mga sandaling iyon.

Kailangan din anyang ipaliwanag ng may-ari ng bangka at ng PCG kung bakit sobra sa kapasidad ng bangka ang sakay nito at wala ring suot na life vests ang mga pasahero.

Sinabi ng mambabatas na isasama rin sa imbestigasyon ang iba pang nakalipas na trahedya sa dagat upang malaman ang update sa kanilang mga kaso. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author