Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang pagsisiyasat kaugnay sa lumalaganap na mga pekeng online endorsements ng mga sikat na personalidad at mapanlinlang na mga advertisement posts sa social media sa mga binebentang produkto na hindi rehistrado.
Sa kanyang Senate Resolution No. 666, iginiit ni Estrada ang panganib na idinudulot sa mga konsyumer ng naglipanang online marketing materials at impostor pages o accounts na nagpo-promote ng mga hindi rehistradong produkto para sa iba’t ibang karamdaman o benepisyo sa kalusugan gamit ang mga pangalan at larawan ng mga lokal na personalidad at sikat na mga artista.
Ipinaliwanag ng senador na marami na ang nakapanood at nag-share ng mga ganitong maling impormasyon tungkol sa epekto, kalidad at kaligtasan ng pagkain, gamot at mga produktong pangkalususan na kalat na ngayon sa social media platforms.
Inihalimbawa ni Estrada ang mga ulat tungkol sa umano’y pag-endorso ng produkto ni Dr. Willie Ong, isang internist at cardiologist na may maraming social media followers, sa isang mixed nuts na “miracle food.”
Binanggit din niya ang napabalitang paggamit ng pangalan at larawan ni Dr. Tony Leachon upang ipahiwatig ang kanyang paggamit at pag-endorso sa isang produktong gamot sa diabetes.
Binigyang-diin pa ng mambabatas ang pangangailangan na matukoy at matugunan ang mga posibleng butas sa mga umiiral na batas at regulasyon gayundin ang pag-update sa mga probisyon ng mga ito sa gitna ng malawakang paggamit ng social media platforms at cyberspace, gayundin ang nakakabahala na paggamit ng mga malisyosong manipulated images, spliced videos at gawa-gawang pahayag sa pag-promote ng mga pagkain at produktong pangkalusugan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News