Ipinag-utos ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang agarang pag-recall kay Labor Attaché Macy Monique Maglanque, na kasalukuyang nakatalaga sa Los Angeles, America, upang humarap sa pormal na imbestigasyon dito sa Pilipinas.
Kamakailan ay pinangalanan si Maglanque sa isang privilege speech ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman, Sen. Panfilo Lacson, hinggil sa maanomalyang flood control projects, dahilan para mabilis na tumugon ang Department of Migrant Workers (DMW).
Nilinaw naman ni Cacdac na wala pang parusang ipapataw subalit mahalaga na personal na sagutin ni Maglanque ang mga katanungan, hindi lamang ng DMW, kundi pati na ng iba pang mga imbestigasyon.
Inakusahan ni Lacson si Maglanque na may kaugnayan sa MBB Global Properties, na sangkot umano sa kontrobersyal na flood control contracts.