dzme1530.ph

Kustodiya kay Alice Guo, dapat igiit ng Senado, ayon kay Sen. Tolentino

Nanindigan si Senate Majority Leader Francis Tolentino na dapat igiit ng Senado ang kanilang karapatan para sa kustodiya kay dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

Ito ay nang kwestyunin ni Tolentino ang hurisdiksyon ng Capas Tarlac RTC sa kasong katiwalian laban Guo na inihain ng Ombudsman.

Sinabi ni Tolentino na alinsunod sa Memorandum Circular ng Korte Suprema, dapat ihain ang kaso sa pinakamalapit na judicial region na sa pagtaya ng senador ay dapat sa Valenzuela RTC.

Nangangamba si Tolentino na posible pang maibasura ang kasong katiwalian dahil sa maling hurisdiksyon.

Kung titignan aniya dahil mali ang venue ng kaso, lilitaw na ang pinaka may bisang warrant of arrest laban kay Guo ay ang inisyu ng Senado.

Gayunman, sinabi ni Tolentino na ipauubaya niya sa chairperson ng kumite ang desisyon kung igigiit ang kustodiya kay Guo.

Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na iginagalang nila ang kautusan ng korte at patuloy silang makikipag-ugnayan para sa kustodiya sa sinibak na alkalde. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author