Nagbabala si Senate Committee on Public Services chairperson Grace Poe na posibleng maulit ang water shortage sa iba’t ibang lalawigan kung hindi maisasaayos ang pamumuno sa water resources.
Sinabi ni Poe na tagtuyot ngayon pero tiyak na baha naman sa susunod na buwan at posibleng ito na ang magiging reyalidad kada taon.
Kaya muling iginiit ng senador ang pangangailangan na aprubahan na ang Senate Bill No. 102 o ang pagtatatag ng Department of Water para sa whole-of-society efforts para sa komprehensibo at integrated development at management ng water resources.
Nanindigan ang senador na ang ugat ng water crisis sa ngayon ay ang krisis sa regulasyon at ang problema ay hindi ang resources kundi ang epektibong pamamahala nito.
Sa ngayon, batay sa datos, sinabi ni Poe na nasa 131 lungsod at munisipalidad mula sa Ilocos Norte at Cotabato ang nakararanas ng water shortage at nagdeklara na ng state of calamity.