dzme1530.ph

Kredibilidad ng impeachment process, nais tiyakin ng Senado

Loading

Bagama’t naisumite na sa Senado ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sa June 2 na tuluyang mailalatag sa plenaryo ng Senado ang usapin.

Nangangahulugan ito na hindi magsasagawa ng anumang pagdinig o pagtalakay ang Senado kaugnay sa anumang usaping may kinalaman sa impeachment laban kay VP Sara.

Kasabay nito, tiniyak ni Escudero na hindi nila mamadaliin ang pagdinig sa impeachment complaint at hindi rin naman nila labis na tatagalan ang pagdinig.

Ipinaliwanag ni Escudero na hindi nila maaaring simulan ang pagdinig dahil hindi pa nako-convene ang impeachment court na dapat gawin habang nasa sesyon ang Kongreso.

Iginiit ng senate leader na natanggap lamang nila ang articles of impeachment sa huling araw ng sesyon bago ang kanilang break kaya’t hindi ito agad naisama sa kanilang agenda.

Pasaring pa ni Escudero, kung sa Kamara ay inupuan ang reklamo ng ilang buwan, bakit ngayon ay minamadali ang Senado sa pagtalakay ng impeachment.

Binigyang-diin ng lider ng Senado na bukod sa conviction o acquittal sa Pangalawang Pangulo, mas nais nilang tiyakin at pagtuunan ng pansin ay gawing kapani-paniwala, may kredibilidad at integridad ang proseso.

About The Author