Nagtakda ng oral argument ang Korte Suprema patungkol sa usapin ng rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sa post ng Supreme Court Public Information Office, kailangang ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na sangkot sa rehabilitasyon ng Manila Bay na magtungo sa Mataas na Hukuman sa Setyembre a-30 ngayong taon.
Kabilang sa mga ahensiyang ito ay ang: MMDA, DENR, Department of Education, Department of Health, Department of Agriculture, Department of Public Works and Highways, Department of Budget and Management, Philippine Coast Guard, Philippine National Police Maritime Group, Department of Interior and Local Government, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Nais kasing malaman ng Korte Suprema ang mga ginawa ng mga nabanggit na ahensiya upang matanggal ang polusyon sa Manila Bay.
Kabilang dito ang estratehiyang ipinapatupad ng kasalukuyang pamahalaan upang sundin ang kanilang mandato na linisín, i-rehabilitate, ipreserba at i-restore ang Manila Bay at gawing ligtas ang tubig upang maging angkop at ligtas paglanguyan, sisiran o diving at iba pang uri ng libangan.
Tatalakayin din sa oral argument ang mga makatotohanang target o plano sa susunod na limang taon; ongoing reclamations; at assessment sa epekto nito sa sa kanilang paligid lalo na sa polusyon.
Matatandaang noong 2008, inatasan ng Korte Suprema ang mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan na linisin ang Manila Bay, i-rehabilitate at ipreserba.
Noong 2011, inatasan ng Supreme Court ang mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan na ipatupad ang direktiba upang makatugon sa 2008 decision ng korte. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News