dzme1530.ph

Korapsyon, pangalawa sa top national concerns ng mga Pinoy —OCTA Survey

Loading

Pumangalawa ang graft and corruption sa mga pangunahing alalahanin ng mga Pilipino, batay sa pinakabagong Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research Group.

Ayon sa OCTA, ito ang unang pagkakataon na pumasok ang isyu ng katiwalian sa top five national concerns ng publiko.

Sa survey na isinagawa mula Setyembre 25 hanggang 30 sa 1,200 adult respondents, tumaas ng 18 puntos o sa 31% ang bilang ng mga Pilipinong nag-aalala sa korapsyon, mula sa 13% noong Hulyo.

Ito na rin ang pinakamataas na antas ng concern sa isyung ito mula nang magsagawa ng ganitong uri ng survey ang OCTA.

Samantala, nangunguna pa rin ang isyu ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na nasa 48%, bahagyang bumaba mula sa 50% noong nakaraang survey.

Ikatlo ang access sa abot-kayang presyo ng pagkain sa 31%; sumunod ang umento sa sahod sa 27%; at paglikha ng karagdagang trabaho na nasa 23%.

About The Author