Aarangkada na ngayong buwan ng Hulyo ang konstruksyon ng Clark Multi-Specialty Hospital sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, itinakda na sa July 17 ang groundbreaking ng Clark Multi-Specialty Hospital, na itatayo alinsunod sa Executive Order no. 19 o ang utos sa pagtatatag ng Philippine Heart Center sa Clark Freeport Zone.
Sa oras na magbukas sa publiko, mag-ooperate muna ang Multi-Specialty Hospital bilang isang general hospital, at unti-unti itong magiging children’s hospital, cardiac specialty hospital, at kidney hospital.
Ito rin ang magsisilbing takbuhan ng mga taga Central at Northern Luzon, upang hindi na nila kailangang bumiyahe ng Metro Manila para sa specialized medical services.
Sinabi ni Herbosa na magiging parang katulad ito ng specialty hospitals sa Quezon City, kung saan matatagpuan ang Philippine Heart Center, Lung Center, at National Kidney and Transplant Institute. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News