dzme1530.ph

Kongreso, may kapangyarihang tanggalan ng pondo ang Office of the Vice President

May kapangyarihan ang Kongreso na tanggalan ng budget ang Office of the Vice President dahil sila ang mayroong power of the purse.

Ito ang ipinaalala ni Senate President Francis Escudero kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na kaya nilang magtrabaho sa susunod na taon kahit wala silang budget.

Gayunman, nilinaw ni Escudero na hindi pa nangyari sa kasaysayan na binigyan ng zero budget ang OVP o anumang ahensya ng gobyerno dahil mahihirapan itong mag-operate.

Sa kabilang dako, naniniwala rin ang Senate Leader na hangad pa rin ng Bise Presidente na mapondohan ang kanilang mga programa at proyektong ipinapanukala para sa susunod na taon.

Dahil dito, umaasa ang senador na matatapos na ang bangayan sa pagitan ng mga kongresista at ng Pangalawang Pangulo.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi makatutulong sa pagresolba sa mga problema ng bansa ang bangayan kasabay ng paghimok sa mga pinuno ng ahensya sumunod na sa proseso ng pagpopondo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author