Hindi maaring gamitin ni Vice President Sara Duterte ang “confidentiality” bilang palusot para hindi sagutin ang tanong ng mga mambabatas tungkol sa kung paano ginastos ng kanyang opisina ang confidential funds.
Pahayag ito ni dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza, kasabay ng pagbibigay diin na mayroong kapangyarihan ang Kongreso na busisiin kung paano ginamit ang confidential at intelligence funds.
Tinukoy ni Mendoza ang joint circular sa paggamit ng naturang mga pondo, kung saan obligado ang pagsusumite ng accomplishment reports sa Pangulo, Senate President, at House Speaker.
Idinagdag ng dating COA Commissioner, na kapag nagsumite ng accomplishment report, kasunod ito ay mga tanong, kung saan may kapangyarihan ang Kongreso na himayin ito, hindi lamang in aid of legislation, kundi dahil sa oversight. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera