Umapela si Comelec Chairman George Garcia sa Kongreso na bumalangkas ng panukala para iregulate ang mga survey sa panahon ng eleksyon.
Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng Comelec, sinabi ni Garcia na mayroon na silang resolution na nagsusulong ng regulasyon sa survey, ngunit mas magiging matibay aniya kung gagawing batas.
Aminado si Garcia na kailangang maging maingat sa pagpapatupad nito upang maiwasang lumabag sa freedom of expression at freedom of speech.
Dagdag pa nito, mayroon nang Task Force Respect ang Comelec na tututok sa pagpapatupad ng regulasyon.
Una rito, tinanong ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri kung walang magagawa ang Comelec laban sa pamamayani ng survey firms na nagsisilbing mind conditioning sa publiko tuwing kampanya.
Giit ni Zubiri, mas mainam kung magkakaroon ng accredited survey firms mula sa Comelec na maglalabas ng mas credible na resulta.
Ito’y matapos mapatunayan na sa mga nagdaang halalan ay hindi na maasahan ang ilang survey results.