Inamin ni Sen. Raffy Tulfo na pinagalitan niya ang anak na si Quezon City Rep. Ralph Tulfo matapos na mahuli na dumaan sa EDSA Busway nitong nakaraang linggo.
Sinabi ni Tulfo na inamin naman sa kanya ng anak ang kasalanan kaya’t sinabihan niya itong humingi ng paumanhin hindi lamang sa kanya kundi sa sambayanan.
Sa kabilang dako, iginiit ng senador na wala siyang nakikitang problema sa nangyari lalo na kung hindi naman ito tumakas, nang-abuso at nagmura.
Matatandaang una nang iminungkahi ng senador na itaas na ang multa sa mga lumalabag sa pagbabawal ng pagdaan sa EDSA Busway.
Nais ni Tulfo na mula ₱5,000 ay gawing ₱50,000 ang multa sa paglabag upang madala aniya ang mga motorista. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News