Nagbabala si dating DICT Secretary Gregorio “Gringo” Honasan sa posibleng banta sa pambansang seguridad ng Konektadong Pinoy Bill.
Ayon kay Honasan, kulang ang panukala sa mekanismong pang-seguridad, lalo na sa legal na proseso para sa national security vetting ng Data Transmission Participants. Aniya, hindi sapat ang Implementing Rules and Regulations para tiyakin ang pananagutan ng mga ito.
Binigyang-diin din niya ang kawalan ng malinaw na regulasyon sa mga dayuhang kumpanyang may kontrol sa mga sensitibong pasilidad tulad ng cable landing stations at satellite gateways. Wala rin umanong sapat na parusa para sa mga lalabag, na maaaring humantong sa seryosong pagkasira ng sistema at service disruptions.
Sinang-ayunan ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators ang babala ni Honasan at nanawagan kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na i-veto ang panukala. Giit nila, kulang ito sa oversight at maaaring magbukas ng banta sa cybersecurity ng bansa.
Nagpahayag din ng pangamba ang ilang telecommunications stakeholders sa dalawang taong compliance window, na anila’y hindi sapat upang makamit ang kinakailangang seguridad.
Sa kabila ng mga babala, nananatiling kumpiyansa ang DICT na maisasabatas ang panukala.