dzme1530.ph

Komprehensibong reporma sa PNP, dapat ipatupad!

Binigyang-diin ni Senador Christopher Bong Go ang pangangailangan ng komprehensibong reporma sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng pagkakasangkot ng marami sa mga pulis sa operasyon ng iligal na droga.

Kasabay nito, hinimok ni Go ang liderato ng PNP na ipagtuloy ang kanilang internal cleansing upang maihiwalay ang mga bulok na pulis sa matitinong kagawad nito.

Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng paghahain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kaso laban sa mga opisyal ng pulisya na nasangkot sa nasabat na 990 kilo ng shabu sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa senador, ang pangangailangan na papanagutin ang mga pulis na nasasangkot sa kalokohan ay dapat anyang magsilbing wake-up call at oportunidad upang palakasin pa ang kampanya kontra droga.

Naniniwala naman ang mambabatas na marami pa ring pulis ang matitino at iilan lamang ang naliligaw ng landas at gumagawa ng kalokohan subalit malaki anya ang epekto nito sa reputasyon ng buong organisasyon. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author