Iginiit ni Senador Jinggoy Estrada na dapat magkaroon ng kompreshensibo at unbiased na imbestigasyon sa insidente sa Bajo de Masinloc na ikinasawi ng tatlong mangingisdang Pinoy.
Sinabi ni Estrada na kailangan ding matiyak na prayoridad sa aksyon ang pagsusulong ng kapakanan ng ating mga mangingisda.
Kasabay nito, umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mga otoridad na tulungan ang mga naulilang pamilya ng mga nasawing mangingisda na makuha ang hustisya at tiyakin na mabibigyan sila ng nararapat na mga tulong.
Pinatitiyak naman ni Senador JV Ejercito sa Philippine Coast Guard na mapapanagot ang responsable sa trahedya.
Iginiit ni Ejercito na kailangang tiyakin ng mga awtoridad na nananatiling ligtas ang ating karagatan para sa ating mga mangingisda. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News