Sinuspinde ng Malacañang ang klase sa lahat ng antas sa 12 lalawigan sa Luzon at Visayas ngayong Huwebes bunsod ng malalakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Opong.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 101 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, suspendido ang klase sa Sorsogon, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Quezon, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Samar, at Biliran.
Suspendido rin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Sorsogon, Masbate, Northern Samar at Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magdadala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan si Opong sa Northern Samar at Eastern Samar hanggang mamayang hapon.