![]()
Umakyat sa ₱14.32 bilyon ang net income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) mula Enero hanggang Setyembre 2025 o 49% na mas mataas kumpara sa ₱9.63 bilyon noong kaparehong panahon ng 2024.
Batay sa ulat ng ahensya, umabot sa ₱84.09 bilyon ang kabuuang kita ng PAGCOR sa unang siyam na buwan ng taon, mula sa ₱79.43 bilyon noong nakaraang taon. Mula rito, ₱75.93 bilyon ang galing sa gaming operations, habang ₱8.16 bilyon naman ang mula sa iba pang serbisyo at kita.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, ang paglago ay bunga ng mga reporma sa pamamalakad ng ahensya.
Tumaas din ng 11% ang Contributions to Nation-Building (CNB) sa ₱54.26 bilyon mula ₱48.88 bilyon noong 2024. Sa halagang ito, ₱36.06 bilyon ang napunta sa National Government alinsunod sa Presidential Decree 1869, kabilang ang pondo para sa Dangerous Drugs Board at PhilHealth.
Nagbayad ang PAGCOR ng ₱3.79 bilyon sa franchise taxes at ₱609.87 milyon sa corporate income taxes sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Naglaan din ng halos ₱11 bilyon para sa iba’t ibang socio-civic projects, kabilang ang pondo para sa President’s Social Fund.
Nakakuha ng ₱1.80 bilyon ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang 5% na bahagi nito o 8.66% na mas mataas kaysa sa nakaraang taon. Nadagdagan din ng ₱26.54 milyon ang insentibo para sa mga atleta at coach na nagwagi sa mga international competitions sa ilalim ng Sports Incentives and Benefits Act.
Kabilang sa iba pang nakatanggap ng pondo ang Board of Claims (₱142.42 milyon), Renewable Energy Trust Fund (₱201.47 milyon), at mga host cities ng Casino Filipino branches na tumanggap ng ₱508.20 milyon.
Dagdag pa ni Tengco, mananatiling nakatuon ang PAGCOR sa mandato nitong tiyaking napapakinabangan ng mamamayan ang kita ng ahensya.

