![]()
Lumusot na sa bicameral conference committee ang mga bagong farm-to-market road (FMR) projects ng Department of Agriculture (DA) na aabot sa P8.9 billion, na una nang kinuwestiyon ng ilang senador.
Bago ang approval, pinagdebatehan muna ng mga mambabatas ang mga proyekto na nakasaad sa liham ni DA Sec. Francisco Tiu-Laurel noong December 15.
Sinabi ni Sen. Loren Legarda na kwestiyongable para sa kanya na hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at sa inaprubahang House General Appropriations Bill (HGAB) ang P8.9 billion na FMR projects.
Kahit anya may kumpletong coordinates o impormasyon ang bagong listahan ng FMR projects, hindi dapat makasanayan ng mga ahensya na sa bawat “last-minute” na hiling para sa panukalang budget.
Ipinaliwanag naman ni Sen. Kiko Pangilinan na nakasaad sa liham ng DA Secretary na ang naunang isinumiteng mga proyekto ay walang approval ng Kalihim dahil ito ay naka-medical leave.
Kaya ang aksyon ngayon ng Kalihim ay pagtatama lamang sa mga naunang datos.
Sinuportahan naman ito ni House Appropriations Committee Chairperson Mikka Suansing at sinabi niyang handa ang DA na ipatupad ang mga piniling proyekto sa ilalim ng bagong listahan.
Tumutupad din anya ito sa national at regional priorities para sa pagpapalakas ng agricultural production, pagpapababa ng pagkalugi sa post-harvest, at pagpapalawak ng market access sa mga prayoridad na lugar ng mga magsasaka.
