Pinawalang sala ng korte sa Maynila ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives kaugnay ng raid sa bahay ng kanyang ama noong Agosto 2016.
Sa apat na pahinang consolidated decision, inabswelto ng Manila Regional Trial Court Branch 16 si Espinosa dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang kanyang pagkakasala.
Nag-ugat ang kaso sa mga armas na narekober mula sa property na umano’y pag-aari ng kanyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa sa Barangay Binolho sa bayan ng Albuerta, Leyte.
Una nang binawi ng testigo na si Marcelo Adorco ang kanyang testimonya na bodyguard o driver siya ng nakababatang Espinosa, at sinabing nagsilbi siya sa dating alkalde.
Aniya, ang mga baril at bala ay mula sa bahay ng dating mayor at walang kinalaman dito ang anak.
Inihayag naman ni Atty. Raymund Palad, abogado ni Espinosa, na nasa ibang bansa ang kanyang kliyente nang mangyari ang raid.
Samantala, ipinag-utos ng korte sa Manila City Jail na palayain si Espinosa, maliban na lamang kung nakaditine ito dahil sa iba pa nitong mga kaso.
Nabatid naman na may nakabinbin pang kaso ang self-confessed drug lord kaugnay ng money laundering. —sa panulat ni Lea Soriano